Ipinauubaya ng Commission on Elections (COMELEC) sa Department of the Interior and Local Government (DILG), at Philippine National Police (PNP) ang kanilang plano na maagang pagpapatupad ng gun ban para sa 2025 midterm elections.
Ayon kay COMELEC Chair George Garcia, sa ngayon ay wala silang kapangyarihan na magpatupad ng gun ban dahil hindi pa nagsisimula ang campaign period na nakatakda mula January 12 hanggang June 11, 2025.
Ito ang sagot ng poll chief nang tanungin ng miyembro ng media sa kanyang reaction sa plano ng PNP na maagang pagpapatupad ng gun ban upang maiwasan ang election-related violence.
Aniya, nauunawaan niya ang hangarin ng PNP ngunit nakasaad sa batas na ang naturang hakbang ay nakatali sa election period.
Samantala, sinabi naman ni COMELEC Spokesperson Rex Laudiangco, dapat rin na ikonsidera ang ilang industriya na maaapektuhan ng maagang gun ban dahil hindi lamang ito tumutukoy sa baril bagkus maging sa chemicals at explosives. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes