Inilabas ng Malacanang ang Executive Order No. 70 na magpapalakas sa potensiyal ng Film Industry sa bansa.
Sa pamamagitan ng nilagdaang EO ni Executive Secretary Lucas Bersamin ay kikilalanin ng national government ang angking talento ng mga Pinoy na nasa pinilakang tabing at sining.
Ito’y sa pamamagitan ng itatatag na National Film Awards na magbibigay pagkilala at magtataguyod sa world-class talents.
Nakasaad din sa EO na mapapasailalim ang Film Academy of the Philippines sa administrative supervision ng Department of Trade and Industry (DTI) at pangangasiwaan ng board of trustees na bubuuin ng mga opisyal mula sa iba’t ibang government agencies.
Magiging pangunahing tungkulin ng FAP na magbigay ng nararapat na pagkilala sa mga natatanging artista at mga kaugnay na stakeholder na ang layunin ay buhayin at higit pang itaguyod ang industriya ng pelikulang Pilipino.
Kaugnay nito’y inaatasan ang Department of Budget and Management (DBM na maghanap ng kalangang funding sources upang matiyak ang pagpapatupad ng nasabing kautusan. | ulat ni Alvin Baltazar