Naglabas ng direktiba si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. hinggil sa pagsasagawa ng mandatory evacuation kasunod ng banta ng paparating na bagyong Leon sa bansa.
Ginawa ni Teodoro ang direktiba bilang chairperson ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) partikular na sa mga tukoy nang lugar na daraanan ng bagyo.
Bilang pagtugon naman, agad naglabas ng isang memorandum ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan na sumunod sa direktiba ng NDRRMC chief.
Nakasaad sa naturang memorandum na pirmado ni Undersecretary Lord Villanueva, partikular na pinakikilos ang mga local chief executive sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, at Cordillera.
Dito, inaatasan din ang Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) na pangunahan ang forced evacuation bilang paghahanda sa posibleng malakas na ulan na dala ng bagyo. | ulat ni Jaymark Dagala