Bilang paghahanda para sa Undas 2024, inilabas ng pamunuan ng Manila South Cemetery ang isang paalala ukol sa mga aktibidad nito gayong nalalapit na ang nasabing kaganapan.
Ayon sa advisory na inilabas ng sementeryo, ipinababatid nito na ang pagsasagawa ng huling araw ng paglilinis at pagpipintura ng puntod ay hanggang sa Oktubre 25 lamang, habang ang huling araw ng libing ay hanggang sa Oktubre 27. Magpapatuloy ang pagsasagawa ng mga libing pagsapit ng ika-4 ng Nobyembre.
Mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 3 naman, bawal na pumasok ang lahat ng uri ng sasakyan tulad ng motorsiklo, e-bike, bisikleta, at scooter sa loob ng sementeryo. Habang limitado ang oras ng dalaw mula 5:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon lamang.
Simula rin sa Oktubre 28 hanggang Nobyembre 3, ipinagbabawal ang pagdadala sa loob ng sementeryo ng mga bagay tulad ng baril, matutulis na kagamitan, alak, mga alagang hayop, malalakas na sound system, mga flammable materials, kasama na ang mga sigarilyo o lighter.
Nitong nagdaang linggo lamang isang pulong ang pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan kaugnay ng paghahanda ng lungsod para sa kaligtasan ng publiko at seguridad sa panahon ng nalalapit na Undas. | ulat ni EJ Lazaro