Mahigpit pa ring binabantayan ng Marikina City Rescue 161 ang sitwasyon sa Ilog Marikina kahit pa balik-normal na ito matapos na itaas sa unang alarma kaninang madaling araw.
As of 8am, bumaba na sa 14.3 meters ang lebel ng tubig sa naturang ilog subalit hindi pa rin isinasantabi ng mga awtoridad ang posibilidad na muli itong tumaas.
Kahit katamtamang lakas lamang ng ulan na maranasan sa Marikina City subalit kung malakas naman ang ulan sa Rizal ay malaki ang tsansa na dumausdos ito sa mababang bahagi ng ilog.
Sa kasalukuyan, umapaw na ang ilog hanggang sa Marikina Riverparks at hindi na ito pinararaanan sa mga residente gayundin sa mga motorista.
Kahapon, nagpulong ang Marikina LGU, Rescue 161, at iba pang mga tanggapan kung saan tinalakay ang epekto ng bagyo.
Una rito, may inilagay na ring mga bangka sa mga lugar na madaling tumaas ang tubig upang mabilis na makatugon sa sandaling kailanganin.
Nakahanda na rin ang mga modular tent para sa mga pamilya na nagnanais lumikas bilang bahagi ng kanilang pag-iingat.
Nagputol na rin ng sanga ng puno ang LGU lalo na iyong mga puno na maaaring maging sanhi ng peligro sa mga residente rito. | ulat ni Jaymark Dagala