Iniimbestigahan na ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang mga kaso ng hindi awtorisadong paghuhukay sa mga labi sa Barangka Public Cemetery.
Ito’y makaraang umani ng kaliwa’t kanang batikos ang tambak ng mga bangkay na hinukay sa sementeryo na hindi na nakapag-renew ng kontrata sa renta.
May tinatawag na 5-year rental period sa Barangka Public Cemetery at nakasaad sa abiso na isang buwan matapos mapaso ay kakailanganing ilipat ang labi sa ossuary sakaling mabigo ang mga kamag-anak na kunin ito.
Sa pahayag ng LGU, hindi lamang paglabag sa dangal ng mga labi ng yumao kundi paglabag din ito sa Presidential Decree No. 856, ang Code on Sanitation of the Philippines.
Seryoso ang lokal na pamahalaan sa usapin at tiniyak na masasampahan ng kaukulang kaso ang mga indibidwal na may pananagutan dito. | ulat ni Jaymark Dagala