Plano ni Marikina 1st District Rep. Maan Teodoro na makabuo ng isang komprehensibong sports program sa lungsod, kasabay ng hangarin na makapaglinang pa ng mga atleta at magkaroon ng kauna-unahang Olympic gold medalist mula sa Marikina.
”Layunin nating makapag-develop ng mas maraming propesyonal na atleta mula Marikina at, balang araw, magkaroon ng isang Olympic gold medalist na magdadala ng karangalan sa ating lungsod,” sabi niya
Diin niya matagal nang nakasuporta ang Marikina sa sports culture bilang naging venue na ng mga local at international events.
Maliban pa ito sa mga kabataang Marikenyo na nanguna aniya sa sports tournaments gaya mg Palarong Pambansa at SEA Games.
Para maisakatuparan ito, isusulong ni Teodoro ang dagdag budget para sa sports infrastructure, training at nutrition ng mga atleta.
Nais rin niya na makapagdaos ng mga sports clinic mula elementarya hanggang sekondarya.
Katunayan nitong nakaraang buwan lang ay nakipagtulungan ang lady solon kay volleyball star Alyssa Valdez para sa tatlong araw na “Alyssa Valdez Youth Volleyball Camp”
Mungkahi pa niya na maging host ang Marikina sa ikinakasang kauna-unahang “Alyssa Valdez Cup”. | ulat ni Kathleen Forbes