Photo courtesy of Presidential Communications Office
Kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang malaking papel na ginagampanan ng Estados Unidos sa pagpapanatili ng seguridad at pag-asenso sa Southeast Asia.
Sa ika-12 ASEAN-US Summit sa Vientiane, Laos ngayong araw, sinabi ng Pangulo na malaking bagay na pinananatiling aktibo ng US ang kanilang presenya sa rehiyon para sa pagsusulong ng kapayapaan at katatagan sa ASEAN.
“We equally value the consistent support of the United States for ASEAN Centrality in the evolving regional architecture.” Pangulong Marcos.
Bukod dito, nakalulugod, ayon kay Pangulong Marcos, na makita ang interes ng US sa pagsusulong ng kompetisyon at consumer protection, lalo’t mahalaga aniya ito sa digital na kalakalan.
Kasabay aniya ng pag-usbong pa ng makabagong teknolohiya, ang ASEAN patuloy na isusulong ang ligtas, matatag, at mapagkakatiwalaang artificial intelligence.
“This highlights the importance of AI governance and interoperability between governance frameworks through further cooperation to support the completion of a meaningful and substantive ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA) that advances an open, secure, interoperable, competitive, and inclusive digital economy.” — Pangulong Marcos.
Samantala, sa usapin ng climate change, inaasahan na rin aniya ng ASEAN ang suporta ng US para sa pagprotekta sa mga heritage park at iba pang protected area sa Southeast Asia.
Sa linya ng kalusugan, umaasa si Pangulong Marcos Jr. na ipagpapatuloy ng US ang mga inisyatibo para sa infection prevention and control, public health emergency management, regional laboratory diagnostics, at pharmaceutical regulation.
Makakaasa aniya ang US na ang Pilipinas at ang ASEAN ay committed sa mga programa para sa kapayapaan, katatagan, at pagyabong pa ng rehiyon. | ulat ni Racquel Bayan