Hindi titigil ang pamahalaan hanggang hindi naipaaabot ang libre at dekalidad na serbisyong medikal sa mga Pilipino, saan man silang panig ng mundo.
Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa LAB for All program na pinasinayaan sa Pasig City ngayong araw.
“Hindi lamang ito ang nagbibigay ng tulong medikal. Kasama na rin dito ang ilan pong pampublikong serbisyo gaya ng CHED na handang umalalay sa mga naghahanap ng scholarship; nandito rin po ang NHA at PAG-IBIG na gagabay sa inyong mga pangangailangan tungkol sa pabahay; ang LTO nandiyan din para sa mga nangangailangan ng driver’s license; at marami pang iba’t ibang ahensya para ‘yung serbisyo ng gobyerno, hindi lamang ang serbisyong medikal kung hindi ang iba’t ibang serbisyo ng ahensya ng gobyerno ay inilalapit natin sa taumbayan.” —Pangulong Marcos.
Sabi ng pangulo, batid ng pamahalaan na hirap ang mga nasa liblib na lugar na tumungo sa medical facility kahit pa mayroon nang ini-indidang karamdaman ang mga ito.
“Para madaling maabot ng mga mamamayan ang mga serbisyong pangkalusugan, inilunsad ng DOH ang Bagong Urgent Care and Ambulatory Service Centers o tawag namin BUCAS. Ito’y nagbibigay ng preventive, diagnostic, curative primary care service sa iba’t ibang parte ng ating bansa.” —Pangulong Marcos.
Ito ang dahilan kung bakit mayroong mga ganitong programa ang pamahalaan.
“Kaya’t gumawa kami ng programa ng DOH at sabi natin eh paano naman ‘yung mga nasa malayo, ‘yung malayo sa Maynila? O walang pambayad para makapunta sa Maynila? O kung naka-lockdown kagaya nung pandemya? Kaya’t gumagawa kami ng programa at naglalagay tayo ng specialty center sa bawat lugar, bawat rehiyon para naman hindi masyadong mahirap ang magpatingin ‘yung mga may karamdaman.” —Pangulong Marcos.
Mula May, 2023, nasa 25 lokasyon na sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang napuntahan ng Lab for All, at mas marami pa itong dadayuhin.
“Hindi lang ito isang araw lamang. Sinisiguro namin na marami pang mga komunidad sa bawat siyudad at probinsya ang mabibisita ng LAB for ALL. Kung saan mayroong Pilipinong nangangailangan, pagsusumikapan natin ng inyong pamahalaan ay maaabutan ng serbisyong ito.” —Pangulong Marcos.
Sisikapin rin aniya ng pamahalaan na maiakyat da tig-dalawa ang bilang ng ambulasyang ibibigay ng national government kada LGU.
Payo ni Pangulong Marcos sa publiko, samantalahin ang mga programang ibinibigay ng pamahalaan sa mga Pilpino.
“Kaya po, hinihikayat ko kayong lahat: alagaan natin ang ating mga sarili. Samantalahin po natin ang mga proyektong tulad nito at ang mga serbisyo sa mga health center upang masubaybayan natin ang ating kalusugan. Tandaan po natin: ang pinakamatibay na yaman ay hindi ang laman ng ating bulsa, kundi ang tibay ng ating pangangatawan, ang sigla ng ating pag-iisip, ang pagiging malusog ng ating puso.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan