Ipinanawagan ni Senator Risa Hontiveros ang pagkakaroon ng mas malakas na safety measures para sa pagprotekta sa karapatan at kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs).
Ginawa ng senador ang pahayag na ito bago ang nakatakda niyang pakikipagpulong sa mga distressed OFW sa Qatar, na naging biktima ng pang aabuso.
Nakatakdang makipagpulong si Hontiveros sa higit 50 OFWs gayundin sa mga Philippine diplomat, mga labor official at migrant community leader.
Nagpahayag ng pagkaalarma ang Senate Committee on Women chairperson sa mga kaso ng pisikal at emosyonal na pang aabuso, at hindi patas na labor practices sa mga OFW sa Qatar lalo na sa mga kababaihan.
Dapat aniyang matiyak na sapat ang kakayahan at training ng Migrant Workers Offices sa Qatar, para matulungan ang mga distressed OFW lalo na ang mga tumatakas mula sa kanilang mga amo.
Hinimok rin ni Hontiveros ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Department of Foreign Affairs (DFA), na pagbutihin ang kanilang kapasidad sa pagmo-monitor at pagtulong sa mga distressed OFW.
Dapat aniyang pagbutihin rin ang pre departure orientation, para ganap na maunawaan ng mga OFW ang cultural, religious, social at linguistic challenges na maaari nilang harapin sa kanilang pangingibang bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion