Nananatiling matumal ang paghahain ng Certificates of Candidacy (COC) ng mga nagnanais tumakbo sa pagka-kongresista sa tanggapan ng Commission on Elections – National Capital Region (COMELEC-NCR) ngayong araw.
Ayon kay COMELEC-NCR Assistant Regional Director, Atty. Jovy Balanquit, ikinukunsidera kasi nilang “strategizing days” ang ikalawa at ikatlong araw ng paghahain ng COC.
Paliwanag ni Balanquit, tila nagpapakiramdaman pa kasi ang mga potensyal na kandidato sa gagawin nilang pagtakbo habang ang ilan naman, matindi ang paniniwala sa mga pamahiin.
Kabilang na rito ang pagkakaroon ng anila’y masuwerteng numero gaya ng 8 kaya’t inaasahang sa huling araw pa daragsa ang mga aspirante.
May ilan naman na inaayos pa ang kanilang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) na kasama sa paghahain ng kanilang COC lalo na sa mga may partido politikal.
Buhat nang magsimula ang paghahain ng kandidatura, nasa 21 pa lamang ang kabuuang naghahain ng kanilang COC para sa pagka-kongresista. | ulat ni Jaymark Dagala