Hinimok ni Senate Committee on Sports Chairperson Senador Christopher ‘Bong’ Go ang Games and Amusement Board (GAB) na tiyaking nasa maayos na kalagayan ang physical at mental health ng mga manlalaro na bibigyan nila ng lisensyang makibahagi sa iba’t ibang professional sports.
Ang pahayag ng senador ay may kaugnayan sa kaso ng PBA (Philippine Basketball Association) player na si John Amores na kamakailan lang ay nasangkot sa isang shooting incident.
Pinunto ni Go na bago pa man makapasok sa PBA ay nagkaroon na rin ng isyu si Amores sa NCAA (National Collegiate Athletic Association) nang manuntok ito ng kapwa players noong 2022.
Kaya naman posible aniyang may anger management issue si Amores.
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance sa panukalang 2025 budget ng GAB, sinabi ni GAB Chairperson Atty. Francisco Rivera na nakapasa naman sa iba’t ibang examination si Amores bago nila ito nabigyan ng professional basketball license.
Ipinaliwanag ni Rivera na base sa procedure, ang PBA muna ang mag-iimbestiga sa kasong kinasangkutan ni Amores at kung tuluyang mapapatalsik mula sa PBA ay posible ring kanselahin ng GAB ang registration nito sa kanila.
Umapela naman si Go sa GAB na pag-aralang mabuti ang nangyari at gumawa ng mga hakbang para hindi na ito maulit.
Mahalaga aniyang matiyak ang mental health ng mga manlalaro para na rin sa kapakanan ng mga player at ng mga nanonood. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion