Binigyang linaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung bakit prayoridad ang mga benepisyaryo ng 4Ps sa Sustainable Livelihood Program (SLP).
Ayon kay 4Ps Social Marketing Division Chief (DC) Marie Grace Ponce, tinitignan ng ahensya ang pangkabuuang sitwasyon ng bawat benepisyaryo ng 4Ps upang matukoy at mabigyan ito ng tamang tulong at serbisyo.
Kasama rito ang pagbibigay ng tulong pangkabuhayan sa mga benepisyaryo na aagapay para makaahon sila sa buhay.
“Hindi lamang puhunan, mayroon din tayong skills enhancement at mayroon din yung mina-match natin sila sa mga available na trabaho doon sa kani-kanilang lugar,” dagdag pa ng SMD chief.
Kabilang sa mga serbisyong ibinibigay ng SLP ay mayroong dalawang tracks, ito ang Micro-Enterprise Development (MD),na naglalayong bigyan ng tulong ang mga indibidwal na interesado sa pagiging entrepreneur at ang ikalawang track naman ay naglalayong mabigyan ng trabaho ang nangangailangan sa pamamagitan ng Employment Facilitation (EF).
Dagdag pa ng opisyal, mayroon nang kasunduan ang DSWD sa ibang mga government agency na magbibigay ng sapat na technical education and skills development sa 4Ps beneficiaries.
Sa tala ng DSWD, aabot na sa 35,000 4Ps beneficiaries ang nabigyan ng tulong sa SLP mula Enero hanggang nitong Setyembre ng 2024. | ulat ni Merry Ann Bastasa