Iminungkahi ni Senator Raffy Tulfo sa Land Transportation Office (LTO) at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na bigyan ng isang linggo ang lahat ng mga bus at terminal na itama ang mga violation na nakita nila sa pag iinspeksyon sa bus terminals kahapon.
Ayon kay Tulfo, kung hindi agad maitatama ito ng mga bus operator ay dapat nang ipatigil ang kanilang operasyon at kanselahin ang kanilang mga prangkisa, bagay na sinang ayunan naman ng dalawang ahensya.
Iminungkahi rin ng senador sa LTO, na i-monitor ang lahat ng mga bus driver na maraming moving violation.
Dapat aniyang isailalim sa seminar ang mga ito, at kung malala talaga ang kanilang mga violation ay suspindihin ang kanilang lisensya upang hindi sila makadisgrasya.
Maliban sa iba’t ibang violation at kakulangan sa mga bus at sa mga terminal, nagsagawa rin ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng random drug testing sa ilang mga bus driver.
Isa sa mga isinailalim sa drug test ang nagpositibo at agad naman itong pinigilang bumiyahe, at ipinasa sa mga kinauukulan para sa patuloy na imbestigasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion