Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang mga mahahalagang alituntunin na magsisilbing gabay ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, ibinahagi ni Sec. Remulla ang mga prayoridad niya para sa PNP, kabilang na ang usapin ng capital outlay, mabilis na pagresponde sa mga tawag ng publiko, maayos na relasyon sa mga lokal na pamahalaan at mga Chief of Police, pati na rin ang mga investment para sa ikauunlad ng PNP.
Sinabi rin ng kalihim na kailangan pang pag-aaralan ang mga nais niyang ipatupad na structural reforms dahil ilang araw pa lamang siya sa kanyang puwesto sa DILG.
Target din ni Remulla na maisara ang lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Disyembre 15. Ang mga natitira pang POGO, lokal man o pinapatakbo ng mga dayuhan, ay tuluyan nang isasara sa Disyembre 31, 2024.
Paliwanag ni Remulla, ni-revoke na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga lisensiya ng mga POGO para makapag-operate. Kaya naman mahigpit aniya itong binabantayan ng PNP.| ulat ni Diane Lear