Patuloy na nagbubunga ang mga hakbang at inisyatibong ginagawa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa agricultural sector.
Sa ulat na inilahad ng Presidential Communications Office (PCO), ipinresenta nito ang naitalang pinakamababang inflation rate sa nakalipas na apat na taon na umabot sa 1.9%.
Kasama ding binanggit sa ulat na kahit ang karaniwang sanhi ng food inflation na bigas ay pumalo sa 5.7% nitong September.
Ito aniya ang kauna-unahang pagkakataon sa 2024 na pumatak sa single digit ang rice inflation.
Maituturing aniya itong tagumpay na magbibigay-daan sa mas abot-kayang mga pangunahing produkto.
Ilan sa mga programang tuloy-tuloy na ipinatutupad ng Marcos administration ay ang Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk, Kadiwa Centers na direktang nag-uugnay sa mga magsasaka at mga mamimili upang mabawasan ang mga gastusin sa pagdadala ng produkto sa merkado, gayundin ang Farm-to-Market Roads na nagpapabilis sa pagbiyahe ng mga produkto ng mga local farmers. | ulat ni Alvin Baltazar