Ngayong papalapit na ang holiday season, nagkalat na sa merkado ang mga laruan na nagtataglay ng nakakalasong lead.
Dahil dito, umapela na sa pamahalaan ang toxic watchdog na BAN Toxics para magsagawa ng market inspections.
Batay sa kanilang market monitoring, simula noong buwan ng Setyembre, nakabili ang BAN Toxics ng iba’t ibang uri ng laruan sa mga tindahan sa Maynila, Pasay City, at Quezon City.
Ayon kay Thony Dizon, BAN Toxics Campaign and Advocacy Officer, sa 50 sample toys na kanilang sinuri gamit ang Chemical Analyzer, 41 ang nakitaan na ng lead, at ang antas ay umaabot sa 16 parts per million (ppm) hanggang 4,600 ppm.
Ang lead ay nakalalasong metal at ang pagkakalantad dito ay maaaring magdulot ng hindi maganda sa kalusugan lalo na ng mga bata.
Ang mga nabiling laruan ay pawang lumalabag sa Republic Act (RA) 10620, o Toy and Game Safety Labeling Act of 2013 dahil sa kawalan ng karampatang labelling.| ulat ni Rey Ferrer