Hinikayat ni Commission on Elections (Comelec) Chair George Garcia ang mga mahihirap na kakandidato sa 2025 midterm elections na gamitin ang teknolohiya upang makapangampanya.
Ayon kay Chair Garcia, dahil sa social media platforms na meron sa ngayon ay mas madali nang abutin ang publiko upang i-promote ang kanilang plataporma at adbokasiya.
Hindi aniya kailangan ng maraming pera para mangampanya basta kailangan lang maging maparaan sa teknolohiya at artistic.
Samantala, muling iginiit ni Comelec Chair Garcia ang commitment ng poll body na ikonsidera ang totality rule bago mag-disqualify ng kandidato sa 2025 midterm elections.
Ibig sabihin nito, hindi sila tumitingin sa panlabas na anyo ng isang kandidato lalo na sa financial status sa pagdiskwalipika ng mga kakandidato sa halalan.
Base kasi sa Comelec Rules of Procedures part 5 rule no. 24, matutukoy lamang na hindi bona fide candidate kung ang intention nito sa pagkandidato ay upang guluhin ang election dahil may kapangalan na kwalipikadong kandidato. | ulat ni Melany Valdoz Reyes