Mga nagsilikas sa Malanday Elementary School sa Marikina City, isa-isa nang nag-uuwian sa kanilang mga tahanan

Facebook
Twitter
LinkedIn

Unti-unti nang nagsisi-uwian ang ilang mga residente na nagsilikas sa Brgy. Malanday sa Marikina City matapos umapaw ang tubig sa Marikina River bunsod ng magdamag na pag-ulang dala ng bagyong Kristine.

Aabot sa 441 pamilya o katumbas ng 2,423 na indibiduwal ang lumikas matapos umapaw ang Marikina River kasunod ng magdamag na pag-ulan.

Maliban sa 30 modular tent na nakaset-up sa covered court ng Malanday Elementary School, may ilan ding pamilya ang umokupa sa 66 na silid-aralan.

Gayunman, batay sa datos as of 5:40am ay nasa 76 na pamilya na ang piniling umuwi sa kani-kanilang tahanan dahil sa lumiwanag na ang kalangitan, hudyat ng pagbuti ng panahon.

Ayon sa ilang mga residente, naging maagap sila sa paglikas nang malamang umapaw ang ilog dahil may “trauma” na sila sa kanilang mga naging karanasan noong panahon ng bagyong Ondoy at Ulysses.

Kaninang alas-4 ng madaling araw nang i-akyat ng Marikina City Rescue 161 sa 2nd alarm ang lebel ng tubig sa Marikina River nang sumampa ito sa 15 meters.

Subalit agad din itong ibinaba sa 1st alarm nang unti-unting humupa na pagbaba ng tubig mula bulubunduking bahagi ng Rizal.

Una rito, namahagi naman ng tulong ang Pamahalaang Lungsod ng Marikina sa mga residente nitong naapektuhan ng pagbaha bunsod ng mga pag-ulan na nagresulta naman sa pag-apaw ng ilog. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us