Tumanggap ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol ang mga pamilyang inilikas dahil sa banta ng lahar sa gitna ng pananalasa ng bagyong Kristine sa lalawigan ng Albay.
Tumanggap ang mga residente ng Family Food Packs na naglalaman ng mga pangunahing pagkain at pangangailangan sa pang-araw-araw.
Nasa 520 pamilya, o katumbas ng 1,166 indibidwal, mula sa dalawang barangay sa Guinobatan, Albay, na nasa 8 km PDZ ng Bulkang Mayon, ang tumanggap ng family food packs at non-food items mula sa DSWD.
Ayon sa Guinobatan MDRRMO, inilikas sa mga evacuation centers ang mga residente bago ang kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Aabot naman sa 4,000 pamilya, o katumbas ng mahigit 13,000 indibidwal, sa bayan ng Camalig, Albay, ang tumanggap ng family food packs mula sa DSWD. Ayon kay Camalig Mayor Carlos Irwin Baldo Jr., wala naman aniyang naitalang pagragasa ng lahar flow sa kanilang lugar, ngunit matinding pagbaha at landslide ang naging hamon ng mga residente sa pananalasa ng bagyo.
Samantala, umabot na sa mahigit P20 milyon ang food at non-food items na naipamahagi ng DSWD sa mga residenteng apektado ng Bagyong Kristine sa Bicol Region. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay