Muling nagpaaalala ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC)-CALABARZON sa publiko na manatiling alerto at paigtingin ang kahandaan kasunod ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Taal.
Ayon sa RDRRMC, dapat laging isaalang-alang ang posibilidad ng pagputok ng Taal dahil isa itong aktibong bulkan.
Bagama’t patuloy ang steam-driven phreatic eruptions o ang mga nakaraang minor phreatomagmatic eruption ng bulkan, sinabi ni Taal Volcano Observatory Resident Volcanologist Jerome De Lima na ito’y normal sa ilalim ng Alert Level 1 at hindi dapat ikabahala.
Kailangan namang bantayan ang volcanic gas o smog na bumabalot sa paligid ng Taal Lake at Taal Caldera Region dahil maaaring makaapekto ito sa mga residenteng nakatira sa paligid ng bulkan.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpunta sa Taal Volcano Island upang maiwasan ang anumang panganib ng pag-aalburoto ng bulkan. | ulat ni Jaymark Dagala