Mahigpit nang binabantayan ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng epekto ng bagyong Kristine sa sektor ng pagsasaka.
Batay sa pinakahuling pagtaya ng DA, maaaring maapektuhan ng bagyo ang nasa 1.3 milyong ektarya ng standing crops sa CAR, Regions I, II, III, IV-A, IV-B, V, VIII, at XIII.
Nasa isang milyong ektarya rito ay tanim na palay kung saan 14.53% ang nasa seedling at vegetative stage habang 44.50% naman ang nasa maturity stage na.
Mayroon ding binabantayang halos 207,442 ektarya taniman ng mais kung saan 71% ang nasa maturity stage.
Una nang inabisuhan ng DA ang mga magsasaka na maaga nang mag-ani ng kanilang nga pananim.
Dahil din sa posibleng gale warning ay pinaiiwas na ang mga mangingisda na pumalaot lalo na sa seaboards ng Isabela, Aurora, Polillo Islands, Catanduanes, Northern Samar, at eastern seaboards ng mainland Cagayan, Camarines Norte, Camarines Sur, at eastern seaboard ng Bicol Region, Quezon, at Eastern Samar. | ulat ni Merry Ann Bastasa