Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa pamahalaan na palakasin pa ang task force na sumusugpo sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), sa gitna ng impormasyong laganap pa rin ang mga underground POGO sa kabila ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na total POGO ban.
Ayon kay Hontiveros, dapat mabigyan ng ngipin ang direktiba ni Pangulong Marcos at hindi dapat tantanan ng pamahalaan ang mga underground POGO na ito.
Kung kinakailangan aniyang dagdagan ang human resources ng mga operatibang tumutugis sa mga POGO ay dapat na itong gawin ng ehekutibo.
Tiniyak rin ng senador na sila sa senado ay patuloy na makikipag-ugnayan sa law enforcers ng bansa, kung may mga impormasyon silang makakatulong sa tuluyang pag-ubos ng mga POGO.
Sang ayon naman si Senador Sherwin Gatchalian sa pagbibigay ng dagdag na pondo para sa Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC).
Naniniwala kasi si Gatchalian, na hindi lang titigil sa mga POGO ang mga organized criminal syndicate na sangkot din sa iba’t ibang krimen tulad ng money laundering, human trafficking at iba pa.
Pwede pa rin kasi aniyang magtuloy-tuloy ang mga ito dahil sa international network ng mga ito. | ulat ni Nimfa Asuncion