Pinulong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 10 ang mga shrimp operators mula sa iba’t ibang bahagi ng Northern Mindanao sa isang forum nitong Oktubre 4 sa Barangay Pala-o, Iligan City.
Ito ay upang talakayin ang kasalukuyang kalagayan ng industriya at produksyon ng hipon sa rehiyon, lalo na sa mga lalawigan ng Lanao del Norte at Misamis Occidental.
Ayon kay BFAR-10 Shrimp Focal Dr. Jennifer Marie A. Rivero, kinilala ang mga shrimp operators sa rehiyon bilang may pinakamataas na produksyon ng tiger prawn na aabot hanggang mahigit 42,000 metrikong tonelada sa kabila ng COVID-19 pandemya.
Ngunit batay sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa taong 2023, kasalukuyang nasa mahigit 27,000 metrikong tonelada na lang ang napo-produce na hipon sa rehiyon, katumbas ng 35.25% na ibinagsak nito sa loob ng dalawang taon.
Pinasasalamatan naman ni Lanao del Norte Aquaculture Producers Association (LANAPA) Secretary Aurora Aguilar ang BFAR-10 dahil binigyan sila ng pansin at inaasahan niyang masolusyonan ang mga isyu kaugnay sa kanilang pangkabuhayan upang mapaunlad ito muli. | ulat ni Sharif Timhar | RP1 Iligan