Malaki ang naitutulong ng mga subsidy program ng gobyerno sa mga estudyante sa higher education para makapagtapos sila ng pag-aaral.
Sa pagdinig sa panukalang 2025 budget ng Commission on Higher Education (CHED) at mga State Universities and Colleges (SUCs), pinunto ni Senador Sherwin Gatchalian na base sa datos ng UNESCO, isa ang Pilipinas sa mga bansa sa ASEAN na may mataas na undergraduate graduation ratio sa 56.88 percent.
Ayon kay CHED Chairman Prospero de Vera, base sa kanilang obserbasyon ay mas mataas ang tiyansa na makapagtapos ang isang estudyante kapag mayroon silang subsidiyang natatanggap mula sa pamahalaan.
Base aniya sa kanilang datos, 78.38 percent ang nakaka-graduate mula sa mga nakakakuha ng libreng college education; 77 percent sa mga tulong dunong graduates; at 79 percent naman sa mga TES grantees.
Ayon kay Gatchalian, pinapakita lang nito na lahat ng mga subsidy program ng pamahalaan ay nagreresulta sa mas mataas graduation ratio at hindi nagkatotoo ang pangamba ng ilan na hindi papahalagahan ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral dahil libre lang nila itong nakukuha sa pamahalaan.| ulat ni Nimfa Asuncion