Pinayuhan ng Office of Civil Defense (OCD) ang publiko lalo na ang mga taga-Luzon na planuhing maigi ang kanilang biyahe ngayong Undas.
Ito’y dahil sa inaasahang magiging maulan ang November 1 at 2 bunsod na rin ng epekto ng Super Bagyong Leon batay sa pagtaya ng PAGASA.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson, Director Edgar Posadas, kahit nakasentro ang pagtutok sa hilagang Luzon, maaari pa ring makaranas ng epekto ng Super Bagyo ang ibang bahagi ng bansa.
Kabilang na rito ang Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nananatiling nakataas ang Red Alert status sa maraming rehiyon sa bansa bilang paghahanda sa epektong dulot ng binabantayang Super Bagyo. | ulat ni Jaymark Dagala