Bagman ikinatuwa ng ilang mga tsuper ng jeepney ang ipinatupad na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong araw, aminado silang bitin pa rin ito.
Ayon sa mga tsuper na nakapanayam ng Radyo Pilipinas sa kahabaan ng N. Domingo sa San Juan City, ipinagpapasalamat na rin nila ang inilargang rollback kahit maliit lang ito.
Para sa kanila, kahit paano’y makadaragdag na rin ito sa kanilang pangaraw-araw na kita na maiuuwi sa kanilang pamilya.
Anila, nauubos ang kanilang krudo sa trapik pa lamang kaya malaking bagay ang ipinatupad na rollback para sa kanilang kabuhayan.
Gayunman, umaasa silang magtutuloy-tuloy ang ipinatupad na rollback sa mga produktong petrolyo sa mga susunod na linggo.
Nabatid na ₱0.50 ang ipinatupad na bawas presyo sa kada litro ng gasolina at kerosene ng mga kumpanya ng langis habang nasa ₱0.70 ang bawas-presyo sa kada litro ng diesel. | ulat ni Jaymark Dagala