Ikinabahala ni Senador Sherwin Gatchalian ang datos na nagpapakitang ang mga website ng government offices ang pinaka-target ng data breaches o hacking.
Sa pagdinig ng panukalang 2025 budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ipinunto ni Gatchalian ang report na mula January hanggang August 2024 ay 40 percent ng mga naitalang data breaches ay mula sa government agencies.
Nasa 31 percent naman ang naitala noong nakaraang taon. Kinumpirma naman ng National Privacy Commission (NPC) ang datos na ito.
Ayon kay NPC Commissioner Atty. John Henry Naga, dapat pang palakasin ng mga ahensya ng gobyerno ang kanilang mga firewall, anti virus, security wall, at cyber security para masawata ang ganitong data breaches.
Tiniyak rin ng opisyal na regular silang nagsasagawa ng compliance check sa mga ahensya at opisina ng gobyerno.
Gayunpaman, inamin ni Naga na kulang ang tauhan ng NPC para mas mapadalas ang pag-iikot nila sa government agencies sa buong Pilipinas, lalo na aniya’t nire-regulate rin nila ang pribadong sektor. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion