Nilinaw ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga maling kuro-kuro hinggil sa kanilang VIP service, partikular ang Meet-and-Assist Service (MAAS) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa isang pahayag, itinanggi ng MIAA ang mga paratang na maaaring malampasan ng mga pasahero ang mga proseso sa paliparan kapalit ng P800 bayad. Binigyang-diin ng MIAA na ang serbisyong ito ay mahigpit na sumusunod pa rin sa mga patakaran ng Customs, Immigration, Quarantine, at Security, alinsunod sa mga regulasyon ng itinalaga ng pamahalaan.
Ayon sa MIAA, noong una, libreng inaalok ang nasabing serbisyo bilang bahagi ng mga kasunduan sa iba’t ibang bansa o kaugnay na ahensya, ngunit kalaunan ay inalok ito sa mga pribadong indibidwal sa ilalim ng mga kondisyon sang-ayon sa mga regulasyon.
Pinagtibay din ng MIAA ang mga hakbang na isinagawa nito upang matiyak na walang proseso ang nalalampasan sa nasabing VIP service, kabilang na ang malinaw na koordinasyon at pag-record sa mga ahensya ng border control tulad ng Immigration at Customs.
Muling tiniyak naman ng MIAA ang kanilang pangako sa pagpapanatili ng kaligtasan, seguridad, at propesyonalismo sa paliparan habang sila ay nasa kasalukuyang transition bilang airport regulator.| ulat ni EJ Lazaro