Iminungkahi ngayon ni House Minority leader Marcelino Libanan kay Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. na bumuo ng isang independent fact-finding commission na siyang magiimbestiga sa isyu ng extrajudicial na iniuugnay sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Kasunod ito ng pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na binibigyang importansya ng Marcos Jr. administration ang patas na pagkamit sa hustisya particular sa ginagawang imbestigasyon sa EJK.
Ani Libanan na isang abogado, mas maigi na bumuo na lang ng isang independent panel gaya ng Agrava Fact-Finding Board na siyang magsisiyasat sa mga napaulat na summary killings, tukuyin ang mga taong nasa likod nito at panagutin.
Gaya aniya ng Agrava Board dapat ang bubuoing komite ay walang kaugnayan sa politika at malayo sa impluwensya ng lehislatura at ehekutibo.
“Just like the Agrava board, the proposed commission should be independent from the legislative and executive branches of government. It should consist of distinguished individuals who are highly regarded for their fairness and impartiality, and who are not politically aligned,” ani Libanan
Matatandaan na binuo ang limang miyembrong Agrava Fact-Finding Board para imbestigahan ang assassination ni dating Sen. Ninoy Aquino sa noo’y Manila International Airport. | ulat ni Kathleen Forbes