Nagkasundo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga mall operator sa Metro Manila na i-adjust ang kanilang operating hours upang makatulong sa pagpapaluwag ng trapiko ngayong kapaskuhan.
Sa pulong balitaan sa Pasig City kasama ang mga mall operator at utility companies sa Metro Manila, sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na napagkasunduan na ang pagbubukas ng mga mall ay ia-adjust sa alas-11 ng umaga, at palalawigin ang oras ng kanilang operasyon sa gabi.
Layunin nito na mabigyan ang mga mamamayan ng pagkakataong makaiwas sa rush hour at magawa ang kanilang last-minute shopping.
Nanawagan din ang MMDA na gawing alas-11 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga ang oras ng deliveries, maliban sa mga produktong madaling masira tulad ng pagkain.
Bukod dito, hiniling din sa mga mall operator na iwasan muna ang pagdaraos ng mall-wide sale, bagamat hindi pipigilan ang mga individual store sales sa loob ng mga mall.| ulat ni Diane Lear