Isang pulong ang ikinasa ng MMDA at creatives industry kasama ang mga mambabatas ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chair at Metro Manila Film Festival over-all chair Don Artes.
Sa panayam sa opisyal sa paglulunsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) para sa creatives industry, sinabi niya na layon ng round-table discussion na ito na makapaglatag pa ng mga polisiya at tulong para sa mga manggagawa sa pelikula, telebisyon at radyo.
Isa sa mga mahalagang hakbang aniya ay mabigyan ng pondo ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) para matustusan ang paggawa ng mas magaganda pang pelikulang Pilipino.
Gayundin ang pagpapalakas sa Film Academy of the Philippines para makapagpasok ng mga pelikulang Pilipino sa iba’t ibang international award giving body gaya na lang ng Oscars lalo na at may kinakailangan ding gastos dito.
Bahagi naman ng BPSF ang pagbibigay ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng upskilling para sa mga lighting technicians, graphic design at animation. | ulat ni Kathleen Forbes