Hinikayat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga may-ari ng sasakyan na samantalahin ang mga public mass transport system sa National Capital Region (NCR).
Ito’y upang makatulong na maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa Kamaynilaan na inaasahang lalala pa habang papalapit ang Pasko.
Ayon kay MMDA Chairperson, Atty. Don Artes, mula nang pumasok ang BER-months ay lalo pang bumagal ang daloy ng trapiko lalo na sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA).
Batay aniya sa kanilang datos nitong September 24, pumalo na sa 421,000 ang mga sasakyang dumaraan sa EDSA bawat araw at inaasahang aakyat pa ito sa kalahating milyon pagsapit ng Disyembre
Sa kasalukuyan ani Artes, naglalaro sa 18 hanggang 19 kilometro bawat oras ang average na usad ng mga sasakyan sa EDSA na mas bumagal kumpara sa dating 20 hanggang 21 kilometro bawat oras.
Paliwanag pa ng MMDA Chair, karaniwang tumataas ang volume ng mga sasakyang dumaraan sa EDSA matapos ang Undas at inaasahang magtutuloy-tuloy pa ito pagsapit ng Pasko. | ulat ni Jaymark Dagala