Hindi nagpatinag sa buhos ng ulan ang mga kababayang dumagsa sa ikalawang araw ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa PhilSports Arena sa Pasig City ngayong araw.
Sa temang “Paglinang sa Industriya ng Paglikha,” layunin ng programa na magbigay tulong sa mga nagtatrabaho sa creative industry.
Magsisilbi itong one-stop shop na nagbibigay ng government service tulad ng National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Internal Revenue (BIR), Social Security System (SSS) at Pag-IBIG Fund.
Gayunman, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bukas din ang Serbisyo Fair para sa mga mangagawa mula sa ibang industriya na magwo-walk in.
Kabahagi rin ng programa ang may 23 ahensya ng pamahalaan na may access sa mahigit 100 essential government services, tulad ng permits, lisensya, at health services.
Mayroon din itong training programs mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Samantala, dahil sa dami ng mga nagpunta ay bahagyang bumigat ang daloy ng trapiko sa Captain Henry Javier at St. Martin na daan papunta ng PhilSports. | ulat ni Jaymark Dagala