Magpapatupad ng moratorium o pansamantalang suspensyon sa mga paghuhukay at road works sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, layon ng hakbang na ito na mabawasan ang pagsisikip ng trapiko ngayong kapaskuhan. Magsisimula ang suspensyon ng mga road works mula November 18 hanggang December 25.
Hindi naman saklaw ng moratorium ang mga emergency repairs, ngunit kinakailangan pa ring abisuhan ang MMDA bago simulan ang mga ito.
Samantala, papayagan ang mga contractor na magtrabaho ng 24 oras mula December 26 hanggang January 2 ng susunod na taon upang matiyak ang tuloy-tuloy na trabaho.
Batay sa obserbasyon ng MMDA, kaunti ang mga sasakyan sa Metro Manila sa mga araw na ito dahil karamihan sa mga residente ng NCR ay nasa probinsya. Maluwag din umano ang mga kalsada, kaya’t maaari silang magtrabaho ng mas mahabang oras. | ulat ni Diane Lear