Nasa labas na ng bansa si Mylah Roque, ang asawa ni dating presidential spokesperson Harry Roque.
Ito ang sinabi ni Public Order and Safety Committee Chair Dan Fernandez sa panayam ng House media.
Aniya, batay sa ulat na nakuha niya mula Bureau of Immigration (BI) ay lumabas ng bansa pa-Singapore si Ginang Roque noong unang linggo ng Setyembre.
“…there was a report coming from the immigration that I think September 5 pa umalis na siya. First week ata ng September nakaalis na siya prior to the discussion about the requirements we were asking from her. I believe prior to that nakaalis na po si Myla Roque. Pero may record that she left already the country on the first week of September. It was shown to me. Maybe on the next hearing we will be validating it.” sabi ni Fernandez.
Matatandaang sa nakaraang pagdinig ng Quad Committee ay ipinacontempt si Ginang Roque dahil sa hindi pa rin pagdalo sa committee hearings.
Nais kasi mabigyang linaw ng mga mambabatas ang koneksyon sa pagiging signatory ni Myla Roque sa lease agreement sa isang bahay sa Baguio City kung saan nahuli ang Chinese nationals na iniuugnay sa POGO.
Ang naturang bahay ay pagmamay-ari ng kompaniyang PH2, subsidiary ng kompanya ng pamilya Roque na Biancham Holdings.
Isa sa mga dahilan ni Roque sa hindi pagdalo sa komite ay dahil sa kaniyang medical condition lalo na at kakapa-opera lang niya.
Gayonman, ani Fernandez, hindi pa siya nakakapagsumite ng hinihingi na medical abstract o medical certificate mula mismo sa ospital kung saan siya nagpagamot.
Punto ni Fernandez, may mga isinumiteng prescription si Roque mula sa kaniyang doktor, ngunit ang kaniya anilang hinihingi at katibayan mula sa mismong ospital.
“What we were asking was a medical certificate coming from the hospital that indeed there was a surgery that was done on her this year. Kasi there was an indication na nagpapahinga siya dahil naoperahan siya. And we wanted to find out the veracity of that allegation coming from them. But unfortunately, yan nga hindi nila mabigay sa amin yung certificate coming from the hospital mismo.
Para sa ganoon makita po natin kung ano yung katotohanan na sinasabi nila. Kasi alam mo madaling gumawa ng mga prescription coming from your own doctor. Kasi yung mga doktor mo syempre ilalagay lang doon ano mga sakit mo,” sabi pa ni Fernandez. | ulat ni Kathleen Forbes