Ikakasa ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) pagsasagawa nito ng renovation sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 4 simula Nobyembre 6, 2024, upang mapabuti ang imprastruktura at karanasan ng mga pasahero sa nasabing paliparan.
Sa isang pahayag ng NNIC, sinabi nito na kanilang pagtutuunan ng pansin ang mga safety upgrade, pagpapabuti ng daloy ng pasahero, at modernisasyon ng mga pasilidad sa Terminal 4 at inaasahan itong muling bubuksan pagsapit ng Pebrero 2025.
Sa kasalukuyan, ginagamit ang Terminal 4 ng humigit-kumulang 2,900 pasahero araw-araw o katumbas ng 2.23% ng kabuuang bilang ng mga pasahero kada araw sa NAIA at pinaglilingkuran ang mga airline tulad ng AirSWIFT, Sunlight Air, at CebGo.
Habang isinasagawa naman ang renovation, ililipat muna sa Terminal 2 ang operasyon sa T4 habang patuloy naman ang NNIC sa pakikipag-ugnayan sa mga airline upang mabawasan ang mga abala.
Hinihikayat naman NNIC ang mga pasahero na tingnan ang mga update hinggil sa mga pagbabago sa kanilang mga flight dahil sa isasagawang renovation sa opisyal na mga channel ng NNIC sa X, Facebook, at sa website nito, sa newnaia.com.ph.
Ang 76 na taong gulang na Terminal 4 ang itinuturing na pinakamatanda at pinakamaliit na terminal sa paliparan ng NAIA.| ulat ni EJ Lazaro