Binuhay na ng National Electrification Administration (NEA) at Philippine Rural Electric Cooperatives Association Inc (PHILRECA) ang Task Force Kapatid para tumulong sa rehabilitation efforts sa Batanes Electric Cooperative (BATANELCO) na grabeng tinamaan ng Bagyong Julian.
May 17 linemen at dalawang engineer mula sa NEA Disaster Risk and Management Department ang idineploy para tulungan ang mga manggagawa ng BATANELCO.
Ang karagdagang manpower ay ipinadala ng Northeast Luzon Electric Cooperative Association Inc. kabilang ang Cagayan Valley Region at Iselco 1 at 2 Cagelco 1 at 2, Novelco at Quirelco.
Magsasagawa rin ng damaged assessment ang NEA-DRRMD at Technical Services Department at Corporate Planning Personnel sa ilan pang lugar sa Batanes na hindi pa nainspeksyon.
Patuloy pang nakararanas ng power interruption ang BATANELCO partikular sa munisipalidad ng Ivana, Mahatao at Uyugan.
May ilang lugar na rin sa Sabtang at Basco ang may elektrisidad na habang balik na sa normal na operasyon sa munisipalidad ng Itbayat.
Batay sa tala, umabot na sa P19.588 milyon ang inisyal na halaga ng pinsala sa mga nasirang pasilidad ng BATANELCO. | ulat ni Rey Ferrer