Dalawang Electric Cooperative na lang ang sumasailalim sa monitoring ng National Electrification Administration matapos mapinsala ng Super Typhoon #JulianPH.
Hanggang kahapon, Oktubre 4, nakakaranas pa rin ng partial power interruption ang BATANELCO o Batanes Electric Cooperative.
Habang kababalik lamang sa normal na operasyon ang INEC o Ilocos Norte Electric Cooperative matapos ang ganap na pagkumpuni.
Sa ulat ng NEA- Disaster Risk Reduction and Management Department, 24 mula sa 29 o 82.76% ng kabuuang munisipalidad ang may normal na ang operasyon ng elektrisidad.
Habang apektado pa ang mga lalawigan ng Ilocos at Cagayan.
Umabot naman sa Php 1,008,258.12 ang initial damage sa Abra Electric Cooperative (ABRECO) at Benguet Electric Cooperative (BENECO).
Sa kabuuan, 23 Electric Cooperative mula sa 18 lalawigan at apat na rehiyon ang naapektuhan ng pananalasa ng nasabing bagyo.| ulat ni Rey Ferrer