Sisimulan na ng National Food Authority ang pilot testing sa pagbili ng palay sa sariling sako ng mga magsasaka.
Inanunsyo ito ngayong araw ni NFA Administrator Larry Lacson kung saan target na 20% ng palay procurement ang hindi na irerebag o ililipat pa sa sako ng NFA o katumbas ng 1.3 milyong bags.
Uunahin dito ang mga bibilhing clean at dry palay ngayong wet harvest season.
Ang tanging kondisyon lamang ay dapat na bago o nakalagay sa magandang secondhand sacks ang ibebentang palay.
Ayon kay Lacson, tugon ito sa hirit mga magsasaka na kadalasang matagal naghihintay tuwing nagbebenta ng palay dahil sa pagrerebag pa ng mga palay.
Malaki rin aniya ang matitipid ng ahensya sa sako at handling costs kung hindi na nito irerebag pa ang mga nabibiling palay.
Katunayan, nasa P17-M ang tantya ni Lacson na matitipid mula ngayong oktubre hanggang disyembre habang hanggang P250 m naman para sa susunod na taon.
Ang matitipid dito ay gagamitin para bumili ng mas maraming palay para sa buffer stocking at mapataas ang kita ng mga magsasaka.
Tiniyak naman ni Lacosn na hindi makokompromiso dito ang kalidad ng palay na binibili ng NFA. | ulat ni Merry Ann Bastasa