Handa na ang pamunuan ng NLEX-SCTEX sa pagbugso muli ng mga motoristang mag-uuwian sa probinsya ngayong panahon ng Undas.
Sa abiso nito sa mga motorista, simula alas-6 palang ng umaga ng October 31 ay inaasahan na ang mataas na volume ng trapiko sa expressway partikular sa northbound hanggang sa November 1 mula 5 AM hanggang 2 PM.
Para naman sa mga papasok ng Maynila, asahan ang mataas na volume ng trapiko sa November 2, mula 3 PM hanggang 10 PM, at November 3, simula 2 PM hanggang alas-8 ng umaga ng November 4.
Dahil dito, hinihikayat na ang mga motoristang dadaan sa NLEX, SCTEX, at NLEX Connector na bumiyahe sa non-peak hours upang maiwasan ang mahabang trapiko at delay.
Pinapayuhan din ang mga itong tiyakin na may sapat na load ang kanilang RFID accounts.
Paiigtingin naman ng Metro Pacific Tollways Corporation ang traffic management measures nito para masigurong matutugunan ang inaasahang mas malaking traffic volume ngayong Undas.
Magbibigay din ito ng libreng towing service para sa Class 1 vehicles mula 6 AM ng October 31 hanggang 6 AM ng November 4. | ulat ni Merry Ann Bastasa