Pinahihigpitan pa ni Senador Sherwin Gatchalian sa National Telecommunications Commission (NTC) ang pangangasiwa sa mga telecommunication provider kaugnay ng pagpapatupad ng SIM Registration Law.
Ito ay sa gitna ng patuloy na mga mapanlinlang na paggamit ng mga cybercriminal ng mga SIM, gaya ng ginagawa ng mga nasa industriya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa naging pagdinig ng panukalang 2025 budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT), kung saan attached agency ang NTC, tinukoy ni Gatchalian na ang ugat ng problema ay ang madaling pagkuha ng mga SIM kahit pa may batas na tungkol sa pagpaparehistro ng SIM.
Giit ng senador, dapat mapigilan ng NTC ang mga kriminal na bumibili ng libu-libong SIM card at ganap na ipatupad ang tunay na diwa ng batas.
Sinabi naman ng NTC na naglabas na sila ng verification guidelines para makapaglagay ng sistema ang mga telco upang mapigilan ang mapanlinlang na pagpaparehistro ng SIM.
Kasama sa mga alituntuning ito ang paghahambing ng isinumiteng data sa impormasyong nasa mga ID gamit ang advanced na teknolohiya gaya ng facial recognition at facial matching.
Gayunpaman, ipinakita ng simulation ng National Privacy Commission, isa pang ahensyang naka-attach sa DICT, na ang Smart Communications ang tanging telco na matagumpay na nakapigil sa mapanlinlang na pagpaparehistro ng SIM.
Binigyang-diin ni Gatchalian na kung napipigilan ng Smart ang mapanlinlang na pagpaparehistro ng SIM, dapat ay magagawa rin ito ng ibang telco. | ulat ni Nimfa Asuncion