Ipinag-utos ng Office of Civil Defense (OCD) Cagayan Valley ang pagpapatupad ng mga hakbang sa paghahanda sa banta ng malalakas na pag-ulan sa Northern Luzon.
Sa direktiba ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Civil Defense Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, naglabas ng memorandum si Cagayan Valley Regional Director Leon Rafael Jr. na nag-uutos sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) at Local Disaster Risk Reduction and Management Councils ( LDRRMCs) na ipatupad at paghusayin ang disaster and preparedness protocol sa buong rehiyon.
Mahigpit na susubaybayan ng RDRRMC at LDRRMC ang mga weather advisories, magsasagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment Meetings at ipatutupad ang mga hakbang sa paghahanda na nakadetalye sa Operation Listo (Alert).
Sinabi ng OCD na aktibo silang nagpapakalat ng mga abiso sa lagay ng panahon at patuloy na mino-monitor ang Magat Dam, gayundin ang mga pangunahing river systems at mga tributaries, kabilang ang mga katubigan mula sa Sierra Madre at Cordillera Mountains. | ulat ni Jollie Mar Acuyong