Umabot na sa P4.12 milyon ang halaga ng tulong na ipinaabot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) 6 at mga lokal na pamahalaan (LGU) para sa mga pamilyang apektado ng Bagyong Kristine sa Western Visayas.
Sa pinakahuling DROMIC report ng DSWD 6, P2.8 milyon sa naturang tulong ang nagmula sa kanilang ahensya.
Dagdag pa ng ahensya, umabot na sa 27,093 na pamilya o 117,623 indibidwal mula sa 318 barangay sa rehiyon ang apektado ng bagyo.
Sa naturang bilang, 1,411 na pamilya o 4,926 na katao ang nananatili sa 89 na evacuation center, samantalang 726 na pamilya o 2,735 na katao ang namamalagi sa kanilang mga kaanak o kakilala.
Sa ngayon, ang DSWD 6 ay may nakahandang P144 milyon na halaga ng relief resources na handang ipamahagi sa mga nangangailangang LGU. | ulat ni JP Hervas | RP1 Iloilo