Aarangakda na bukas ang mas murang bigas sa halagang P43 kada kilo sa mga Kadiwa ng Pangulo site.
Ito ay bahagi pa rin ng Rice for All Program ng pamahalaan.
Sa isang pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, ito ay bunga ng pakikipagtulungan nila sa mga kooperatiba ng mga magsasaka at dahil na rin sa pagbaba ng presyo ng palay.
Ang naturang bigas ay mas mababa ang presyo kumpara sa dating presyong P45 kada kilo na ibinebenta sa mga Kadiwa ng Pangulo site.
Iniulat din ni De Mesa, na simula bukas ay madadagdagan ng 20 ang mga Kadiwa ng Pangulo site para mas marami pang Pilipino ang makabili ng murang pagkain.
Bukod sa murang bigas, mabibili rin ang murang gulay, prutas, isda, at iba pang produkto.
Ngayong taon, nasa 169 na karagdagang Kadiwa ng Pangulo site ang plano pang buksan ng Department of Agriculture. | ulat ni Diane Lear