Ipinamahagi ng pamahalaan ng Estados Unidos sa pamamagitan ng United States Agency for International Development (USAID) ang nasa P5 milyon halaga ng mga kagamitan sa aquaculture para sa mga lokal na mangingisda ng Ilocos Norte.
Personal na ipinagkaloob ni USAID Philippine Deputy Mission Director Rebekah Eubanks kay Governor Matthew Manotoc ang nasabing donasyon na layong suportahan ang sustainable tilapia farming sa lugar.
Kasama sa mga kagamitang ipinamahagi ay mga generator, solar-powered lighting, at mga gamit upang mapataas ang produksyon ng tilapia sa 20%.
Dagdag pa rito ang mga natanggap na mga lambat ng mga mangingisdang naapektuhan ng Super Typhoon Julian.
Ang nasabing tulong na ito ay bahagi ng mas malawak na P41-milyong grant ng USAID na sumusuporta sa pangangalaga sa karagatan at sustainable livelihood sa rehiyon.
Lubos naman na nagpahayag ng pasasalamat si Governor Manotoc sa tulong na papakinabangan ng mahigit sa 610,000 Ilokano. | ulat ni EJ Lazaro