Nilinaw ni Quad Committee co-chair at Sta. Rosa Representative Dan Fernandez na bagamat sinuportahan at pinondohan ng Kongreso ang kampanya kontra iligal na droga ng nakaraang administrasyon ay hindi aniya kasama sa budget ang pabuya para sa extra judicial killings o EJK.
Ayon kay Fernandez, bagamat ang mga pinagtibay na pondo ng Kongreso noong nakaraang administrasyon ay may inilaang pondo para sa war on drugs upang masawata ang iligal na droga ay hindi nito sakop ang pamamaslang at paglabag sa karapatang pantao.
“No cash to kill! There is no line item budget for murder. Walang pong pondo para pumatay ng walang kalaban-labang mga tao. Congress provided the necessary resources to fight the drug menace, not to fund a cash reward system that encouraged the killing of individuals without due process,” sabi ni Fernandez.
Punto pa niya, na kung mapatunayang gumamit ng pondo ng gobyerno sa lumutang na reward system sa war on drugs ay hindi lang ito maituturing na gross misuse ng buwis ng bayan, ngunit paglabag din sa budgetary laws.
“What we’re uncovering is a betrayal of the trust Congress placed in law enforcement. Funds intended for legitimate anti-drug efforts were diverted into a system that rewarded killings without due process. This cannot go unpunished.” sabi pa niya
Dahil naman aniya sa mga lumabas sa pagdinig ng Quad Comm, kailangan na magkaroon ng mas maigting na safeguard at protocol sa paggamit ng confidential at intelligence funds, pati na ng operational budgets.
Pagsiguro pa niya, na sa hinaharap ay magiging mahigpit ang Kongreso sa pagtiyak na hindi na muli magamit ang pondo ng bayan sa EJK.
”There will be no room in future national budgets for this kind of abuse. We will make sure that any funds allocated for law enforcement are used solely for legal and transparent operations that respect human rights.” ani Fernandez | ulat ni Kathleen Forbes