Isa sa mga pinro-protektahan ng Biofuel Law ay ang kalikasan ng Pilipinas.
Pahayag ito ni Energy Usec. Alessandro Sales kasunod ng implementasyon ng karagdagang 1% ng coconut methyl esther (CME) sa biodiesel mix sa bansa.
Ibig sabihin, mula sa dating 2%, magiging 3% na CME content na ang diesel fuel.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, ipinaliwanag ng opisyal na kung matatandaan, simula nang ipatupad ang biodiesel, nakakita na ng pagganda sa air quality sa Metro Manila, o hindi na ganoon kadumi at kaitim ang usok ng mga sasakyan.
Ikalawa, bumababa aniya ang emission o greenhouse gas.
Base aniya sa pagaaral ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, lumalabas na 1% ng emission ng diesel engine ay carbon dioxide.
Sa paggamit ng biodiesel mix, napapababa ito sa .65%.
At ngayong itataas pa sa 3% ang biodiesel mix, inaasahan na bababa pa ang carbon emission ng mga sasakyan sa halos 2%.
Ayon sa opisyal, malaking tulong ito, lalo na sa krisis na kinahaharap ng bansa, dahil sa Climate Change. | ulat ni Racquel Bayan