Nilinaw ng pamahalaan na hindi nangangahulugan ng otomatikong karagdagang bayarin para sa consumer ang ipatutupad na pagbubuwis sa foreign digital service providers, tulad ng Netflix, HBO, at iba pa.
Pahayag ito ni Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui Jr., kasunod ng paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Republic Act No.12023 o ang VAT on Digital Services Law, ngayong araw (October 2), na magpapataw ng 12% VAT sa non-resident digital service providers (DSPs) na nago-operate sa Pilipinas.
Sa press briefing sa Malacañang, ipinaliwanag ng opisyal na dahil service provider naman talaga ang mga ito nangangahulugan na taxable ang kanilang serbisyo.
“Unang-una bagong batas ito but hindi bagong tax measure we have to clarify that kasi simula pa lang naman talaga taxable naman dapat sila bilang being service providers that have consumers here in the Philippines.” -Comm Lumagui
Ibig sabihin, dapat lamang na nagbabayad sila ng buwis, at simula pa lamang nakapaloob na sa halaga ng kanilang serbisyo na kasalukuyang binabayaran ng consumers ang bahagi na ibabayad para sa buwis.
“So, as to whether magkakaroon ng price increase it doesn’t necessarily follow, of course, it would also depend on the…it’s a business decision by the service providers. But again, nag-aano naman iyan nagbabayad na naman talaga dapat sila from the very beginning so they should have incorporated that iyong concept ng VAT na iyan sa simula pa lang during their pricing.
Sabi ng opisyal, sakali man na magtaas ng service fee ang mga provider na ito hindi naman ito magiging malaki, lalo’t kailangan pa ring isaalang -alang ang kompetisyon sa merkado. | ulat ni Racquel Bayan