Nangangamba ang ilang mga nagtitinda ng isda sa palengke na babaha ang mga frozen na isda.
Ito’y dahil sa bahagya nang nababawasan ang suplay ng sariwang isda sa ilang pamilihan sa Metro Manila gayung hindi pa man nagsisimula ang “closed fishing season.”
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Agora Public Market sa San Juan City, tila nagiging pahirapan na ang paghango ng isda partikular na ang Galunggong, dahilan upang tumaas ang presyo nito.
Kasalukuyan kasing umaabot na sa ₱240 ang kada kilo ang bentahan ng Galunggong depende pa sa laki.
Una nang nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na asahan nang magkukulang ang suplay ng sariwang Galunggong.
Habang sa Nobyembre naman magsisimula ang tatlong buwang Closed Fishing Season sa Palawan kaya’t ipagbabawal ang commercial fishing hanggang January 31 ng susunod na taon upang mabigyang pagkakataon ang mga ito na makapagparami. | ulat ni Jaymark Dagala